MATAPOS ang 24 taon, pinawalang sala ng Sandiganbayan Second Division si dating Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro kaugnay ng kasong katiwalian bunsod ng pagbili ng tatlong trak na pamatay sunog noong taong 2008.
Bukod kay San Pedro, abswelto rin sa kaso ang supplier na si Angel Palmiery na may ari ng kumpanyang Palmer Asia Inc.
Ayon sa Sandiganbayan, walang ebidensyang nagpapatunay na nadehado ang lokal na pamahalaan sa naturang transaksyon. Hindi rin anila napatunayan ng prosekusyon ang paratang na pinaboran ng noo’y alkalde ang Palmer Asia Inc.
Batay sa reklamong isinampa kay San Pedro, pinahintulutan ng alkalde ang paglalabas ng pondong kabayaran sa naturang kumpanya kahit hindi pa naman di umano dumarating ang mga trak ng bumbero.
Nang ihatid ang mga fire truck, hindi agad inilipat sa pangalan ng pamahalaang lungsod ang rehistro ng mga naturang sasakyan. Nang siyasatin, lumalabas na ginamit ng Palmer Asia ang rehistro ng mga ibinentang fire truck bilang kolateral sa dalawang bangko.
Katunayan anila, Hulyo 2012 lang nang mailipat sa pangalan ng Muntinlupa LGU ang tatlong fire trucks na sinuplay ng Palmer Asia.
“Simply, the record is bereft of evidence to show that it was accused San Pedro himself who selected Palmer Asia to the exclusion of all others,” saad sa isang bahagi ng Sandiganbayan ruling.
