
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagtakda na ng pagdinig ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) para sa petisyong dagdag-sahod sa hanay ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Batay sa kalatas ng RTWPB-NCR, idaraos ang public hearing para sa minimum wage adjustment dakong alas 9:00 ng umaga ng Hunyo 20 sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.
Partikular na rerebisahin sa pagdinig ang inihain na petisyon ng grupong Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Mayo 24 sa layong itaas ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Inaasahan ang pagdalo ng mga kinatawan mula sa sektor ng mga manggagawa, mga employers at business organizations sa pagdinig kung saan pwede anilang maghain ng posisyon kaugnay ng hirit na umento ng mga obrero.
Mayo 1 nang atasan ng Pangulo ang RTWPB na rebyuhin ang umiiral na minimum wage sa 17 rehiyon – kabilang ang Metro Manila.