
HINDI pa man humuhupa ang usapin kaugnay ng human smuggling, muling nakaladkad sa eskandalo ang Bureau of Immigration (BI) matapos sampahan ng kasong kidnapping at extortion ang ilang kawani ng ahensya.
Sa kasong inihain ng tatlong Indian nationals sa Pasay City Prosecutor’s Office, partikular na tinukoy ang mga BI intelligence officers di umano’y dumukot at nangikil sa kanila.
Ayon kay Atty. Boy Magpantay na tumatayong legal counsel ng mga biktima, kasong kidnapping, arbitrary detention, grave coercion, at robbery extortion ang isinampa sa piskalya.
“Nag-file kami ng case against dun sa sinasabing taga-Immigration na hinuli sila without legal basis… Humihingi sila ng pera kapalit ng kalayaan ng mga kliyente ko,” wika ni Magpantay.
Batay sa salaysay ng mga biktima, Pebrero 22 ng kasalukuyang taon nang arestuhin sila sa Antique ng mga hindi pinangalanang BI intelligence officers. Habang nasa kustodiya, hiningan di umano sila ng tig-isang milyon kapalit ng kanilang kalayaan.
Pag-amin ng mga Indian nationals, nakipag tawaran pa di umano sila hanggang sa pumayag ang mga suspek sa halagang kalahating milyon kada ulo.
Gayunpaman, nabigo di umano agad na makalikom ng pera ang mga biktima, dahilan para tuluyan silang ikulong at at sampahan ng kaso.