ISANG fire volunteer ang sugatan matapos lamunin ng apoy ang hanay ng mga establisyemento sa kahabaan ng Pedro Gil Street sa Paco, Maynila Sabado ng gabi.
Bahagyang napinsala naman ang likurang bahagi ng Paco Catholic School na noo’y nagdaraos ng isang programa sa loob ng nasabing paaralan na nasa likod ng mga natupok na tindahan.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa ikalimang alarma ang sunog idineklarang fire out dakong 1:30 ng madaling araw.
Kabilang sa mga establisyementong nilamon ng apoy ang isang appliance center, at mga tindahan ng damit, tsinelas at iba pang kagamitan sa bahay.
Ayon sa pamunuan ng Paco Catholic School, suspendido muna ang klase sa lahat ng antas, alinsunod sa rekomendasyon ng BFP. Partikular na apektado sa sunog ang mga silid-aralan sa ika-apat hanggang ika-anim na palapag ng gusali.
Pag-amin ni Fire Senior Supt. Leo Andiso, deputy district fire marshal ng BFP-Manila, lubhang nahirapan ang mga bumbero apulain ang sunog bunsod ng makipot na daan. Nakadagdag naman aniya sa mabilis na pagkalat ng sunog ang mga ‘highly-combustible materials” na laman ng ilang establisyemento.
“Puro light materials ang mga nasunog at the same time may mga LPG pa na sumasabog doon kaya nahirapan ang BFP natin na pasukin agad,” ani Andiso.
“Kung mapapansin niyo yung apoy, sobrang laki ng apoy. Inabot ang school, ayaw naman namin na lalong lumaki pa ang apoy kaya itinaas na agad natin ang alarma para mayroon tayong sapat na tubig para maapula,” dagdag niya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog.
