BIGO na naman ang National Bureau of Investigation (NBI) na madakip ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid, matapos salakayin ang isang safehouse na pinaniniwalaang pinagtataguan ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag.
Sa ulat ng NBI-Cordillera Administrative Region (NBI-Cordillera), Sabado ng hapon nang salakayin ng mga operatiba sa bisa ng mandamiento de arresto ang isang gusali sa Mines View, Baguio City nitong Sabado.
Partikular na tinukoy ng NBI ang gusaling nagsisilbing punong himpilan ng Igorot Warriors International (IWI) na siyang pinagtataguan ni Bantag sa mga nakalipas na linggo. Si Bantag ang chairman ng IWI.
Ayon kay NBI-Cordillera Assistant Regional Director Daniel Daganzo, isang timbre ang natanggap ng kawanihan hinggil sa presensya di umano ng puganteng heneral sa Baguio City.
Bago pa man ang naturang operasyon, sinalakay na rin ng NBI ang dalawang bahay sa Laguna at Marikina City. Gayunpaman, bigo ang ahensya.
Makailang ulit nang nagpaabot ng surrender feelers si Bantag.
Sa hangarin agad na madakip ang puganteng heneral, nagpalabas ng karagdagang P5 million gantimpala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa sinumang magngunguso sa pagtataguan ni Bantag.
Sa kabuuan, tumataginting na P6.5 million na patong sa ulo ng dating BuCor chief.
