Ni LILY REYES
ASAHAN ang habulan sa mga pangunahing lansangan sa pagsapit ng araw ng Lunes, Enero 10, 2024, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang pahayag, binalaan ng LTFRB ang mga tsuper ng mga unconsolidated jeepney units na huwag na magtangka pang bumiyahe sa kani-kanilang ruta lalo, pa aniya’t kasado na ang operasyon kasama ang Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Paglilinaw ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, bagamat saklaw ng operasyon kontra unconsolidated units ang buong bansa, uunahin muna walisin ang 17 lokalidad na sakop ng National Capital Region (NCR).
Binigyang diin ni Guadiz hindi na rin pwede i-rehistro sa LTO bilang pampasadang sasakyan ang mga unconsolidated units – sa madaling salita, kolorum na aniya ang mga pampasaherong jeep na hindi tumalima sa panuntunan alinsunod sa PUV Modernization Program.
Para aniya sa mga kolorum na mahuhuling pumapasada, kukumpiskahin ang lisensya ng driver, babaklasin ang plaka at dadalhin sa LTO impounding center sa Tarlac ang nahuling sasakyan.
Sa kaugnay na balita, nagbanta ang transport group na Manibela at Piston na muling magsasagawa ng kilos protesta sa Korte Suprema para igiit ang paglalabas ng isang Temporary Restraining Order sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
