SA kabila ng iniindang karamdaman, pinili pa rin ng isang beteranong photojournalist na gampanan ang kanyang trabaho. Ang resulta — maagang pagpanaw sa gitna ng pagkuha ng larawan para sa pinapasukang pahayagan.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), kinilala ang biktima na si Itoh Son ng pahayagang Saksi Ngayon.
Kwento ng mga kasama sa trabaho, nangyari ang insidente habang nasa gitna ng coverage sa paghahanda ng taunang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand kaninang madaling araw.
Sa salaysay ng mga saksi, biglang nawalan ng malay si Son habang kumukuha ng litrato. Agad naman isinugod sa pagamutan ang 51-anyos na peryodista subalit binawian din ng buhay kalaunan.
Bago ang kanyang pagpanaw, nanunungkulan si Son bilang isa sa mga director ng Manila Police District Press Corps. (JULIET PACOT)
