
PORMAL nang kinansela ng Quezon City Government ang apat na proyektong iginawad sa mga kumpanyang konektado sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Sa kalatas ng pamahalaang lungsod, wala nang dahilan ituloy pa ng mga Discaya ang anumang proyekto sa lungsod matapos lusawin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang accreditation ng mga kumpanya ng tinaguriang hari at reyna ng ghost flood control projects.
Pinutol na rin ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ang membership ng mga Discaya noong Setyembre 1 bunsod ng mga umano’y paglabag sa licensing requirements at procurement laws.
Kabilang sa mga ibinasurang kontrata ang konstruksyon ng six-storey multi-purpose building, ang reinforced concrete canal sa Ermitaño Creek, at ang dalawang phase ng Housing 32-Balingasa High Rise Housing sa Barangay Balingasa.
Tiniyak rin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mahigpit na sinusunod ng lokal na pamahalaan ang transparency sa lahat ng proseso ng procurement. Katunayan aniya, nakapaskil sa official website ng lungsod ang lahat ng transaksyon at proyekto ng lungsod. (LILY REYES)