Ni LILY REYES
IPINATAWAG na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver na pumasok sa EDSA busway at umano’y nagtangkang sagasaan pa ang isang enforcer, ayon sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) nitong Martes.
Ayon sa LTO, natukoy na umano ang plate number ng sasakyan at inatasan na ang driver na nagpakilalang Mayor Perez ng Bulacan na humarap at magpaliwanag sa tanggapan ng kanilang Intelligence and Investigations Division (IID) sa Huwebes, Setyembre 4
Sa social media post, sinabi ng SAICT na naka-encounter ito ng “dangerous and reckless incident” na kinasasangkutan ng isang driver na lumabag sa awtoridad at nagtangkang ilagay sa panganib ang buhay ng isa sa mga operatiba nito noong Agosto 29 bandang 4:47 ng hapon sa kahabaan ng EDSA Bus Carousel Lane.
Nang hilingin umano na isuko ang kanyang lisensya sa pagmamaneho, tumanggi ang driver ng Toyota Hilux pickup na nagpakilalang Mayor Perez ng Bulacan at sinubukang tumakas matapos tangkaing sagasaan ang enforcer.
“This incident underscores the urgent need for stricter enforcement of traffic laws and the protection of SAICT operatives who are working tirelessly to ensure the safety and integrity of the busway system,” dagdag ng LTO.
