MAGANDANG balita para sa mga kasambahay na nakabase sa Metro Manila.
Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board ang umento sa sahod ng mga kasambahay sa National Capital Region (NCR).
Sa kalatas ng National Wages and Productivity Commission, daragdagan ng P800 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa pagpasok ng buwan ng Pebrero.
Ayon sa komisyon, mahigpit na ipatutupad sa Metro Manila ang P7,800 minimum wage sa mga domestic helpers na nagtatrabaho sa 16 na lungsod at isang munisipalidad na sakop ng NCR.
Pasok sa talaan ng mga makakatanggap ng umento ang mga nagtatrabaho bilang yaya, cook, gardener, tagalaba, at iba pang gumagawa sa gawaing bahay mapa stay-in o stay-out arrangement. (JULIET PACOT)
