
Ni LILY REYES
TALIWAS sa karaniwang tagpo, agad na nabawi ng isang lalaki ang kanyang motorsiklong ninakaw sa isang operasyong ikinasa ng Quezon City Police – District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa lungsod ng Dasmariñas sa lalawigan ng Cavite.
Bukod sa narekober na motor, arestado rin ang isang 40-anyos na lalaking pinaniniwalaang bahagi ng isang sindikato sa likod ng carnapping incidents sa Quezon City at iba pang bahagi ng Metro Manila.
Kinilala ni Maj. Hector Ortencio, Chief DACU ang suspek na si Mark Anthony Tan, 40-anyos at nakatira sa sa Imus, Cavite.
Ayon sa ulat ng DACU, dakong alas 3:00 ng hapon ng Pebrero 2, nang personal na dumulog ang biktimang si Argie Abit hinggil sa aniya’y pagkawala ng kanyang Suzuki Raider 150 cc na habang nakaparada sa malapit sa panulukan ng Boni Serrano at 10th Avenue sa Barangay Socorro ng nabanggit na lungsod.
Base sa natanggap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng kinarnap na motorsiklo, agad na tinungo ng mga operatiba ng DACU Barangay Salitran III, sa Dasmariñas, Cavite.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, huli sa akto ang suspek na nakasakay pa sa nawawalang motor habang kausap ang dalawang iba pa.
Nang matunugan ang presensya ng mga pulis, mabilis na bumaba sa kani-kanilang motorsiklo ang mga suspek. Agad naman tinugis ng mga pulis ang suspek hanggang sa tuluyang nasukol ang target.
Narekober sa suspek ang pakay na Suzuki Raider 150 cc at isang unit ng Honda ADV motorcycle.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (Anti-Carnapping Act of 2016) ang suspek na nakapiit ngayon sa QCPD custodial facility
“Pinupuri ko ang mga tauhan ng DACU sa kanilang matagumpay na operasyon na humantong sa pagkakaaresto sa suspek at pagbawi ng mga ebidensya. Muli akong nagpapaalala sa publiko na maglagay ng dagdag na safety lock sa kanilang motorsiklo upang maiwasan ang ganitong klaseng insidente,” pahayag ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan.