
INIHAYAG ng Manila Police District (MPD) ang pagpapakalat ng nasa 1,500 police personnel upang matiyak ang kaligtasan sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Binondo, Maynila.
Ayon kay MPD chief Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, inaasahang daragsa ang 500,000 turista sa Binondo para sa pagdiriwang ng Chinese New Year .
Gayunman, inaasahan ring mas mataas pa ang bilang na ito dahil sa long weekend na nagsimula noong Pebrero 1 ang kick-off ceremony sa Plaza San Lorenzo Ruiz.
Sinabi ng heneral na nagtalaga ng sapat na kapulisan para bantayan ang mga bisita mapa-lokal man o foreign tourist.
Maglalagay din ng checkpoint sa lugar.
Bukod dito, magpapatupad ng road closure ang MPD.
Ang mga turista ay pinayuhan ding huwag magdala ng malaking pera kapag nagtungo sa Binondo upang maiwasang mabiktima ng mga mandurukot.
Pinaalalahanan din ang mga turista na regular na itsek ang kanilang mga gamit kapag namimili sa Binondo.