NI LILY REYES
BANTAY-SARADO sa Quezon City government ang isa sa mga kontrobersyal na personalidad na nadawit sa P8-billion Pharmally scandal. Ang dahilan – planong pagtatayo ng isang establisyemento sa malawak na lupain sa dakong Novaliches, Quezon City.
Kasabay ng paglulunsad ng pinalakas na Helpline 122 na sumbungan ng mamamayan, inamin ng pamahalaang lungsod ang di umano’y pagdagsa ng mga Chinese nationals sa Novaliches kung saan di umano target ni Rose Nono Lin magtayo ng POGO hub sa malawak na lupa sa Barangay Gulod kung saan dati nakatirik ang nagsarang Uniwide Sales Warehouse.
Bukod sa pamahalaang lungsod, nakatutok din umano ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation NBI) bunsod ng mga sumbong kaugnay ng naglipanang Chinese nationals sa naturang bahagi ng Quezon City.
Ayon sa mga natatanggap na sumbong sa QC Helpline, kinakamada na umano ng grupo ni Rose Nono Lin ang planong pagtatayo ng POGO hub sa paniniwalang ibabasura ni Marcos ang POGO ban na idineklara sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Hulyo.
Gayunpaman, kumbinsido ang pamunuan ng Quezon City government na hindi makakalusot ang planong pagtatayo ng POGO hub o anumang kahalintulad na establisyemento sa lungsod kung saan anila umiiral ang ordinansang nagbabawal sa mga offshore gaming operations.
Pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansa bago pa man lumabas ang executive order na nagtatakda ng POGO ban bunsod ng nabistong illegal na aktibidad tulad ng money laundering, online scams, human trafficking at iba.
Wala rin anilang puwang sa lungsod ang mga katulad ng Chinese national na si Guo Hua Ping alyas Alice Guo na nagpapanggap na Pilipino gamit ang pekeng birth certificate.
