DAHIL sa pinsalang dulot ng dalawang magkasunod na bagyo, sumipa ng presyo ng mga isda sa pamilihang bayan – kaya hirit ng militanteng grupo ng mga mangingisda ang agarang pagpapatupad ng price control sa merkado.
Sa isang kalatas, kinalampag ng Pamalakaya ang Department of Agriculture (DA) bunsod ng hindi makatwirang pagsasamantala ng mga negosyanteng di umano’y nagdidikta ng presyo ng galunggong, bangus, tilapia at iba pa.
Batay sa price monitoring ng grupo, pumalo na sa P240 ang bentahan ng galunggong habang sa P180 naman ang kada kilo ng tilapia at bangus sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Rizal at Cavite.
Bago pa man ang paghagupit ng bagyong Kristine at Leon, nasa P180 kada kilo lamang anila ang presyo kada kilo ng galunggong habang nasa P120 lang ang bentahan ng bangus at tilapia.
Sa gitna ng biglang pagsipa sa presyo ng mga isda, partikular na tinukoy ni Ka Ronnel Arambulo na tumatayong vice chairman ng Pamalakaya, ang mga traders na dim umano’y nagsasamantala sa mga mamimili.
