MATAPOS ang ilang minutong habulan, nakorner ang 29-anyos na rider na walang suot na helmet matapos takasan ang checkpoint ng Quezon City Police District (QCPD) sa kahabaan ng Quirino Highway sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ni QCPD director Col. Melecio Buslig, Jr., ang suspek na si alyas Obstinada, residente ng Barangay Gulod, sa nabanggit na lungsod.
Sa report Lt. Col. Josef Geoffrey Lyndon Lim na tumatayong station commander ng Novaliches Police Station 4, dakong alas 3:00 ng madaling araw nang maispatan ang isang rider na walang helmet na bumabagtas sa kahabaan ng Quirino Highway kung saan inilatag ng pulisya checkpoint.
Subalit sa halip na huminto, hinarurot di umano ng suspek ang minamanehong motorsiklo – hudyat para tugisin ang rider hanggang sa nakorner hindi kalayuan sa checkpoint.
Bukod sa hindi suot ang helmet, bistado rin ang kargadong kalibre 45 ng rider na napag-alamang wala din palang lisensya.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 4136 (Traffic Code: Operating a motor vehicle without a valid driver’s license), RA 10054 (Mandatory Helmet Law), resisting arrest at illegal possession of firearms. (Lily Reyes)
