
MISTULANG inspirasyon ng Social Security System (SSS) ang negosyong 5-6 ng mga bumbay na naninirahan sa Pilipinas.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng SSS ang bagong micro-lending program sa mga miyembrong naghahanap ng pwede utangan sa mababang interes.
Partikular na tinukoy ng ahensya ang tinaguriang LoanLite, kung saan garantisado umano ang pangungutang ng mga miyembro. Sa unang aplikasyon, swak agad ang P5,000 hanggang P20,000 na pwedeng hulugan sa loob ng 15 hanggang 90 araw sa annual interest rate na 8% at dagdag na service fee.
Ayon sa SSS, target ng ahensya palakihin ang loan book hanggang P40 bilyon sa loob ng dalawang taon.
“This will really help each Filipino, members of SSS, not to fall victims to loan sharks,” wika ni SSS President at CEO Robert Joseph Montes De Claro.
Katuwang ng SSS sa programa ang Union Bank of the Philippines.
Hindi rin anila kailangan gumising ng maaga para pumila sa pinakamalapit sa SSS Office. Ang aplikasyon – online lang, gayun ang abiso sa sandaling aprubahan ang loan.
Gayunpaman, kailangan magbukas ng account ang mga SSS members sa Union Bank kung saan umano papasok ang inutang na pera. (LILY REYES)