HINDI pa man lusot sa balag ng alanganin ang senador na miyembro ng pamilya, muling nabulabog ang isa sa mga pinakamalaking negosyo ni former Senate President Manny Villar matapos mabisto ng Securities and Exchange Commission ang bulilyaso ng Villar Land Holdings Corp.
Sa utos ng SEC, binigyan lang ng 10 araw si Villar at mga anak na sina Senators Mark at Camille Villar, at si Manuel Paolo Villar, gayundin ang 11 iba pang opisyal ng kumpanya, para magpaliwanag sa malasadong financial report na isinumite sa ahensya.
Partikular na tinukoy ng SEC ang datos na kalakip ng financial report kung saan sinasabing umabot sa sa P1.3 trilyon ang assets ng kumpanya mula sa P28.64 bilyon noong nakaraang taon.
“This act or scheme could very well mislead the investing public, those transacting with the company or the market in general,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng SEC.
Anang ahensya, sumisira sa integridad ng merkado at gayundin sa mga investors ang maling “disclosure” na naglalayong umakit ng mas maraming kasosyo.
