
TALIWAS sa pangakong pagsupil sa masamang bisyo sa lipunan ang balik-sigla ng e-sabong sa bansa ang ipinamalas ng administrasyon. Dangan naman kasi, namamadrino at panay ang bulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pagtatapat ng isang kapanalig na pasok sa Palasyo, walang magawa si Marcos kundi sang-ayunan ang bulong ng kanyang punong tagapayo.
Eh sino nga ba ang punong tagapayo ni Marcos?
Sa mga nakalipas na taon, kabi-kabilang eskandalo ang kinasangkutan ng mga taong pinagkatiwalaan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan. Nariyan ang illegal sugar importation, malawakang smuggling, land grabbing, pagbabalik ng crony system, ilegal na kalakalan ng droga, dayaan sa resulta ng lotto, at ang pinaka latest – ang pagbabalik-sigla ng e-sabong.
Sa lahat ng kontrobersiya, palaging kalakad ang pangalan ng kanyang punong tagapayo.
Sa isyu ng illegal sugar importation, lumutang ang pangalan ng nakababatang kapatid ng punong tagapayo na di umano’y isa sa mga nagmamay-ari ng kumpanyang pinaniniwalaang sangkot sa agri-smuggling. Kaladkad din ang punong tagapayo ni Marcos sa naantalang pamamahagi ng lupang sakop ng 40,000 ektarya ng Yulo King Ranch na pagmamay-ari ng kanyang amiga at malayong kamag-anak.
Pati sa eskandalo ng palaro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), di rin nagpaiwan ang punong tagapayo ng Pangulo sa bonggang ganansya sa tuwing may pekeng nanalo sa lotto.
Ngayon naman, siya ang itinuturong nagbigay-basbas sa pagbabalik operasyon ng lintek na e-sabong.
Eh sino nga ba ang tinutukoy na punong tagapayo ni Marcos?
Clue: Hindi siya appointed pero kung tikas din lang ang pag-uusapan kakaiba ang dating niya sa Pangulo. Sa lahat ng biyahe ni Marcos sa iba’t ibang panig ng mundo, palagi siyang kasama. Di rin matatawaran ang yaman ng pamilyang nagmamay-ari ng isa sa mga pinakasikat na venue ng professional basketball at concert ng mga tanyag ng foreign artists.
Hanggang sa pagtulog, di rin pwede lumayo ang punong tagapayo. Ang di lang sigurado, kung ilan talaga ang tinatabihan sa pagtulog ng ating mahal na Pangulo.