Ni EDWIN MORENO
HINDI na bago ang korapsyon sa hanay ng mga pulis. Katunayan, mismong ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) aminadong lubhang apektado sa laganap na pangongotong ng mga kabaro saan mang dako ng bansa.
Kalakip ng pag-amin sa bahid na sumisira sa integridad ng pambansang pulisya, patuloy na isinusulong ng pamunuan ng PNP ang reporma. May mga nasususpinde, nilalagay sa floating status o di naman kaya’y nasisibak sa serbisyo.
Pero sa Calabarzon region, iba ang level ng angas ng isang Sarhen-tong Adlawan na patuloy na namamayagpag sa mahabang panahon. Dangan naman kasi, hindi lang sa lalawigan ng Batangas kundi sa buong Calabarzon region ang sakop ng kanyang tong collection.
But wait, there’s more. May mga minions din pala si Sarhen-kotong – sina alyas Magsino at Kenneth na nangongolekta sa mga ilegalista sa Batangas kaladkad ang pangalan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kabilang sa ginagatasan ng mga damuho ang STL-con-Jueteng at bookies ng isang gambling lord na higit na kilala sa pangalang Mike Romantiko… wow, pangalan pa lang tunog babaero!
At habang papalapit ang 2025 midterm election, mas pinag-ibayo ni Mike Romantiko ang ilegal na negosyo bunsod ng planong pagkandidato bilang gobernador ng Batangas. Kaya naman walang pahinga ang mga tuta niyang sina Tisoy, Nonit at Jeff na mga punong-abala sa Batangas.
Pero hindi lang pala sa illegal gambling pasok ang sindikato ni Mike Romantiko. Pati sa fuel smuggling sa Port of Batangas tiba-tiba ang kanyang sindikato sa tulong ng mga katiwaldas niyang sina alyas Dondon Alahas, Buloy at Bogs na nakabase sa Barangay Sta. Clara.
Sa lalawigan ng Quezon, ginagatasan naman ng isang Sarhen-tong Larry ang mga operator ng paihi, illegal logging, bookies at jueteng. Pakilala ni Sarhen-kotong Larry, siya ang inatasan ng Quezon Provincial Police Office na mag-ikot para lingguhang tong collection.
Kabilang sa mga ginagatasan ni Sarhen-kotong Larry ang isang alyas Violago.
Sa lalawigan ng Càvite, umaaray na ang mga kapitalista ng larong sakla. Kasi naman, feeling kasosyo kung makakolekta ng lingguhang ‘dibidendo’ ang isang alyas Richard M. sa bookies nina Egay Lumagui, Manny Pandak at Jessica.
Sa lalawigan ng Laguna, laganap naman ang mga video karera at pergalan nina Boknoy, Mely, Doña Tessie sa San Pablo likod lang ng Jollibee, Arnel ng Barangay Banlik at Rommel sa Manplaza ng Barangay Pulo sa Sta. Rosa.
Isang nagngangalang Onyok naman di umano ang naatasan kasador na nangongolekta ng lingguhang biyaya sa mga ilegalista para sa Laguna Provincial Police Office, CIDG na nakabase sa naturang lalawigan at maging para di umano sa Games and Amusement Board (GAB).
Last but not the least, ang lalawigan ng Rizal kung saan dekada na ang pamamayagpag ng bookies ni John Yap, lotteng ni Bong Zola at nagkalat ng video karera ni Damian sa mga bayan ng Taytay na pinumumunuan ang biyaherong Mayor Allan de Leon at Cainta ni Mayor Elenito Nieto.
Mukhang busog sa lingguhang biyaya nina John Yap, Bong Zola at Damian ang mga dapat sumupil sa mga salot ng lipunan. Anong say mo, Rizal PNP chief Col. Felipe Maraggun?
