ISA na namang mapagpalayang pagbati mula sa solterong tibak. Ipagpaumanhin nyo po at medyo naantala ang paglabas ng pangalawang pitak bunsod ng aberya sa aking lumang laptop.
Ang totoo, medyo nabilaukan ako nang aking sinubukan i-mapa ang korapsyon, nakawan, pagsasamantala, pangwa walanghiya at pagtataksil sa bayan na pinaggagawa ng rehimeng Duterte.
Pipilitin natin ipakita ang sistematikong pamamaraan ng nakawan sa likod ng polisiya sa kampanya kontra droga, digmaan kontra aktibismo at ang pamamalakad sa pananagutan sa pandemya.
Malinaw na ginamit ang lahat ng yan para ikubli ang walang habas na nakawan at paghahain ng teritoryo at seguridad ng Pilipinas sa pangil ng Tsina — mga karumal dumal na pagtataksil sa bayan.
Nagsimula ang kwento sa dating magulong Davao, isang lungsod na dati’y sentro ng New People’s Army at Sparrow Unit. Kabi-kabilang patayan, mga pulis at sibilyang biktima ng katarungang rebolusyonaryo. Mga pinatawan ng hatol na kamatayan ng kilusan.
Mula sa gulong ito ipinanganak ang Alsa Masa na binubuo ng mga sibilyan at vigilante na sumagupa sa mga NPA at Sparrow Unit. Ang Barangay Agdao ay nakilala sa tawag na Nicaragdao na naging mistulang war zone.
Sa magulong mundong ito, isang piskal ang umusbong na dahil sa EDSA People Power revolution at hinirang bilang officer-in-charge ng lungsod, si Rodrigo Duterte.
Mabilis na kumilos ang OIC. Agad na sinuportahan ang Alsa Masa at kinalaban ang Sparrow Units. Dahil nakita ng mamamayan na may lumalaban na sa mga rebelde, agad siyang nahirang bilang alkalde sumunod na halalan. Nang nagpatawag ng ceasefire ang pamahalaan at ang CPP-NPA-NDF, nakilala si Rodrigo bilang isa sa pinaka mahigpit na nakapag patupad ng ceasefire.
Sa naturang panahon, halos nalagay sa kompromiso ang ceasefirte dahil sa pagtatalo ng isang sundalo at NPA sa isang beerhouse na nauwi sa barilan. Agarang dinampot ang dalawa at inilaglag sa chopper. Ang dating war zone ay naging payapa, tahimik, masaya.
Pero tila baga isang maskara lang ang lahat. Ang payapa, wala lang pumapalag. Ang masaya, wala lang kumokontra.
Sa pag-upo ni Rodrigo bilang alkalde, ang dating Alsa Masa ay ginawang private security consultant ng mayor, at nakilala sa bansag na lambada boys, na kilanaunan ay sumikat sa paghahasik ng lagim bilang Davao Death Squad. Noo’y mga bulung-bulungan lamang ang tungkol sa mga holdaper, rapist at mga pusher na nawawala, kahit bangkay hindi makita. Mga kwento tungkol sa burikat compound na walang makapagsabi kung nasaan.
At nangyari na nga… binalot ng takot ang buong lungsod. Walang may gusto maging biktima ng Davao Death Squad, at ang tanging paraan — maging bulag, pipi at bingi para hindi makatay.
