HINILING ng House panel contingent sa Senate counterpart na bahagi ng isinagawang Bicam hearing para sa 2026 proposed national budget, na ikonsidera ang paglalaan ng P1-bilyong pondo para sa Nationwide Operational Assessment of Hazards Project (Project NOAH).
Ayon kay Negros Occidental Rep. Javier Miguel Lopez Benitez, mahalagang mapondohan ang naturang proyekto bilang bahagi sa layuning maibsan ang matinding epekto ng kalamidad na nararanasan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
“Project NOAH has made real-time, high-quality hazard maps (which) have been used by local government units. Ever since nangyayari po sa ating ang mga climate disasters, the (Project NOAH) website has had 35 million searches online; during peak times, 2.5 million searches a day,” wika ni Benitez.
“The amount of searches for accurate flood information particularly during impending typhoons, make it necessary for the entire country to have updated hazard maps, the hazard maps of Project NOAH were last updated in 2012, dugtong ng bagitong mambabatas.
Si Benitez ang isa sa mga pangunahing may-akda ng ng House Bill 2577 na nagsusulong para sa pagtatatag ng National Climate Resilience Institute sa ilalim ng University of the Philippines (UP) system.
Kinatigan naman ng liderato ng Kamara ang hirit ng Negros Occidental solon at sa sinabi ni House Appropriations Committee chairperson Rep. Mika Suansing na sa bersyon ng Kamara sa 2026 GAB ay inilatag nila ang paglalaan ng nasabing pondo.
“Ang hinihingi po natin sa Project NOAH kapag binigay natin ang pondo na ito is for them to work closely with the DPWH (Department of Public Works and Highways) in terms of refining the way flood control projects are designed and monitored,” ani Suansing.
Sa pamamagitan aniya ng Project NOAH, matutukoy kung saan dapat magkaroon o magpagawa ng flood control structure.
“Hindi na po magkakaroon ng pagkakataon na makapaglagay ng flood control project sa lugar na hindi naman talaga kailangan lagyan,” paliwanag ng lady lawmaker. (ROMER R. BUTUYAN)
