SA larangan ng pagpapatupad ng batas, hindi nasusukat ang pamumuno sa dami ng sinasabi o sa madalas na pagharap sa publiko, kundi sa konkretong aksyon.
Sa kumpas ni Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez na tumatayong hepe ng Philippine National Police (PNP), piniling tahakin ng pambansang kapulisan ang isang direksyong tahimik ngunit matibay sa bisa ng operasyon na nakasandig sa disiplina at resulta.
Mas inuuna ang disiplina, maayos na pagpapatakbo ng operasyon, at malinaw na resulta kaysa palabas. Simple ang pamantayan — gawin nang maayos ang tungkulin at hayaang ang gawa ang magsalita.
Malinaw na Direksyon
Sa isang operasyon na ikinasa noong Disyembre 13 sa Barangay Napindan sa lungsod ng Taguig, ipinamalas ng PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit (DEG-SOU) ang isang angkop na diskarte laban sa ilegal na kalakalan ng droga.
Pag-amin ng PNP, hindi madali ang naturang operasyon na bunga ng maingat na paghahanda at pinag-ukulan ng sapat na panahon ng “intelligence gathering.”
Bantay-Sarado sa Pulis
Kinilala ang mga suspek na sina John Walter Bernaldo Carlos, Danny San Jose Ordoñez, Joniel Coricor Almeda, Alvin Zabala Escovidal, at Elmer Rabanes.
Ayon sa mga imbestigador, may mahalagang papel ang grupo sa isang organisado at mas malaking network ng ilegal na droga sa kabisera. Anang PNP, ang pagkakaaresto ng limang HVT ay nagdulot ng malinaw na pagkagambala sa patuloy na galaw ng droga sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Batay sa imbentaryo ng PNP, kabilang sa mga sinamsam sa operasyon ang mahigit 25.5 kilo ng hinihinalang shabu, humigit-kumulang 1.77 kilo ng high-grade marijuana kush, at 140 piraso ng marijuana oil cartridges.
Narekober din sa operasyon ang ilang smuggled cigarettes, bukod pa sa iba pang ebidensyang may kaugnayan sa kaso. Sa kabuuan, pumalo sa mahigit P 176 milyon ang halaga ng mga nasabat na droga.
“Hindi lang ito usapin ng dami o halaga, kundi isang seryosong dagok sa isang aktibong network at banta na matagal nang nakakaapekto sa mga komunidad.”
Alinsunod sa Proseso
Bukod sa droga, narekober din ng mga operatiba ang isang Glock 17 pistol na kargado ng bala, buy-bust money, mga cellular phone, at identification cards.
Ang mga suspek at non-drug evidence ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Drug Enforcement Group, habang ang mga nasabat na droga ay isinailalim na sa forensic examination.
Gumamit din ng alternative recording devices sa buong operasyon, bilang bahagi ng pagtiyak sa tamang dokumentasyon, transparency, at pananagutan.
Polisiya ni Nartatez
Sa isang kalatas, nilinaw ng PNP na hindi sa laki ng mga nasamsam na droga nasusukat ang operasyon, kundi sa paraan ng pagsasakatuparan ng misyon — alinsunod sa ipinatutupad na polisiya ni Nartatez.
Partikular na tinukoy ang anila’y malinaw ang direksyon at mahalagang papel ng bawat yunit, gayundin ang maayos na koordinasyon, pananagutan sa command, at kumpiyansa sa kakayahan ng mga operatiba.
Ang tagumpay ng operasyon ay hindi tsamba, kundi resulta ng maingat na paghahanda, disiplina, at pamumunong nakatuon sa mismong gawain.
Resulta, Hindi Ngawa
Sa panahong madalas mas binibigyang-diin ang mga pahayag kaysa sa aktwal na gawain, ipinapakita ng naturang operasyon ang epektibong pamumuno ay nasusukat sa konkretong resulta.
Sa ilalim ng pamumuno ni Nartatez, patuloy na itinataguyod ng PNP ang isang pamamalakad na nakatuon sa tuloy-tuloy na aksyon, disiplina, at mga pagbabagong may pangmatagalang epekto, lampas sa pansamantalang atensyon ng publiko.
