SA gitna ng sandamakmak na alegasyon, kabi-kabilang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso kaugnay ng malawakang katiwalian sa pamahalaan, nabisto ang mga kawatan na lubos na nakinabang sa garapalang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Kabilang sa mga yan ang puganteng kongresista at ang isang nagbitiw na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa dami ng ebidensya at testimonya laban sa kanila, walang dudang makukulong sila sa sandaling matapos ang pagdinig ng hukuman sa dami ng kasong kanilang kinasasangkutan.
Para makaiwas, nagtago sa ibang bansa si former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, habang pinili naman ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo kaladkarin ang mga prominenteng personalidad para pagtakpan ang kanyang ginawa.
Sa ganang akin, malinaw ang motibo ng kanilang litanya — ilihis ang atensyon ng publiko sa iba.
Kabilang sa kanilang pinuntirya si dating Executive Secretary Lucas Bersamin na nagsilbi bilang dating Chief Justice ng Korte Suprema.
Sa pagpili ng punong mahistrado, kailangan may integridad at kailanman hindi nasangkot sa anumang bulilyaso. Yan marahil ang pinagbatayan ng Pangulo sa pagtatalaga kay Bersamin sa Palasyo bilang Executive Secretary ng Pangulo.
Ano nga ba ang trabaho ng isang Executive Secretary? Sa aking pagsasaliksik, ito ang natisod ko:
“An Executive Secretary provides high-level administrative support, managing schedules, communications, and logistics for executives, acting as a gatekeeper and ensuring smooth office operations by handling correspondence, coordinating meetings/travel, preparing documents, maintaining records, and managing confidential information with professionalism and discretion.”
“Their duties bridge clerical tasks with strategic support, often involving research, reporting, and liaison with internal/external stakeholders.”
Sa madaling salita, siya ang punong abala sa mga aktibidad, appointment at pulong ng Pangulo. Sa kanya rin bumabagsak ang tinatawag na “screen calls,” email, at panauhin sa Palasyo. Siya rin ang tumitipa ng official correspondence ng Malakanyang.
Sa kanya rin nakatoka ang adyenda sa tuwing may pulong ang Gabinete. Pati ang biyahe ng Pangulo, responsibilidad ng Executive Secretary.
Bilang Executive Secretary, sa kanya ipinagkakatiwala ng Pangulo ang mga sensitibong dokumento.
Wala sa mga trabaho ng Executive Secretary magpasya para sa Pangulo higit lalo tungkol sa pondo ng gobyerno.
Kaya nga para sa akin nakakatawa ang mga kwento nina Co at Bernardo.
Ayon kay Co, si Bersamin umano ang nag-areglo sa budget insertion para sa 2025 national budget – sa utos aniya ng Pangulo.
Susmaryosep… bakit padadaanin pa sa budget insertion kung pwede naman sa ipasok yun habang binabalangkas ang National Expenditure Program (NEP)?
Ayon naman kay Bernardo, sinabihan umano ni Bersamin si former DPWH Secretary Manuel Bonoan na siya na ang bahalang maghatid ng “komisyon” para sa Pangulo.
Engot pala yan si Bernardo eh… pareho lang Kalihim ang ranggo nina Bersamin at Bonoan. Pareho lang silang direkta sa Pangulo.
Bakit ipagkakatiwala ni Bonoan ang sinasabing P52 bilyon na para sa Pangulo kung pwede naman siya mismo ang mag-abot sa pera dun sa bida? Sa ganung paraan, may pogi points pa siya.
Hay naku… sa Netflix lang lulusot ang kwentong barbero ni Bernardo!
