HINDI na nagawang isugod sa pagamutan ang dalawa kataong nasawi matapos salpukin ng isang pampasaherong jeep ang sinasakyang e-biike sa bayan ng Nagcarlan sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ang nasawi sa pangalang Fabian Audije, 45-anyos at 2-anyos na si Sandra Margarette Arevalo.
Ayon sa pulisya, nahagip ng CCTV ang mabilis na takbo ng jeep na puno di umano ng mga estudyante habang bumabaybay sa kahabaan ng national road kung saan magkasunod na inararo ang e-bike at tricycle.
Pawang nakaligtas naman ang sakay ng e-bike maliban sa batang si Sandra. Kabilang sa mga sakay ng e-bike sina Bernadette Arevalo, ang pumanaw na pamangkin na si Sandra, ang 4-taong gulang kapatid ng biktima at 11-buwang gulang na anak ni Arevalo.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, iginiit ng hindi pinangalanang suspek na aksidente ang nangyari, kasabay ng giit na nawalan ng preno ang minamanehong jeep.
“Hindi ko inaasahan na mangyayari sa akin yun kasi bigla akong nawalan ng preno eh malapit na sa bayan. Ngayon noong naghahanap ako kung saan ko maibabangga, bigla namang humarang yung motor na hindi ko naman sinasadyang banggain. Eh, pigilin ko man ang sasakyan, dire-diretso,” sabi ng suspek.
“Gusto kong isubsob ‘yung sasakyan sa walang masasaktan para kami-kami na lang, sasakyan lang ang nadamay, biglang sumulpot ang motor. Bigla siyang tumigil sa gitna. Hindi ko inaasahan.”
