HINDI lahat ng binebentang gamot sa merkado may kakayahang magpagaling sa karamdaman, ayon sa Department of Health (DOH) kasabay ng babala sa pagkalat ng mga umano’y pekeng medisina.
Partikular na pinagbatayan ng DOH ang mga inilabas na advisories ng Food and Drugs Administration (FDA) na naglunsad kamakailan ng “updated verification portal” kung saan pwedeng alamin ng publiko kung rehistrado at lehitimo ang biniling produkto.
Ayon sa ahensya, mas pinadali na ang pag-access sa database sa bagong portal na inilabas noong Enero 27 ng kasalukuyang taon.
Tampok sa “updated verification portal” ang voice search para mabilis na malaman kung rehistrado sa FDA ang mga produktong gaya ng pagkain, gamot at cosmetics, pati ang mga nagbebentang establisyemento.
Maaari ring maghanap gamit ang search bar sa pamamagitan ng keyword, pangalan ng produkto, registration number, o pangalan ng kompanya.
Layunin ng portal na magsilbing consolidated platform para sa mga consumer at negosyante upang matiyak ang authenticity at regulatory status ng mga produkto.
Nagpaalala rin ang DOH at FDA sa publiko na mag-ingat sa mga produktong binebenta o inindorso lalo pa’t maaari umanong magdulot ng masamang epekto sa kalusugan kung hindi pasado sa pamantayan. (JULIET PACOT)
