
HABANG abala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa pagtugis sa mga dayuhan sa likod ng illegal POGO, dinakma naman ng operatiba ng National Bureau of Investigation ang 37 Chinese nationals bunsod ng reklamo ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pilipino.
Sa operasyong ikinasa ng NBI sa Cotabato City, nabisto rin na pawang tourist visa lang ang hawak ng mga arestadong Tsino.
Sa kalatas ng NBI, Nobyembre 13 nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng NBI at Bureau of Immigration ang isang construction site sa Cotabato City kung saan pinangangasiwaan ng mga Chinese nationals (na tumatayong contractor, engineer at administrative staff) ang pagpapatayo ng isang commercial mall.
Hindi naman inilahad ng NBI kung anong uri ng pang-aabuso ang umano’y ginagawa ng mga arestadong Tsino sa mga manggagawang Pilipino.