
KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng walo katao makaraang magsalpukan ang isang pagpasaherong van at delivery truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa bayan ng Sariaya sa lalawigan ng Quezon.
Sa ulat ng pulisya, dead-on-the-spot ang tatlo sa walong indibidwal bunsod ng matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan, habang sa pagamutan na binawian ng buhay ang limang iba pa – kabilang ang isang dalawang taong-gulang na bata.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 6:15 ng umaga habang binabagtas ng pampasaherong van ang kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa direksyon ng Naga City nang salpukin ng kasalubong na delivery truck na patungo naman sa Bicol.
Sa tindi ng salpukan, nagmistulang yuping lata ang Nissan Escapade van, tagpong anila’y lubhang nagpahirap sa sumaklolong rescue team na hugutin ang mga pasaherong lulan ng naturang sasakyan.
Pito katao naman ang patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan. Kwento ng ilang nakalusot sa kalawit ng kamatayan, nakatulog ang driver ng pampasaherong van na sumalubong sa kasalubong na delivery truck.
Kabilang sa mga pumanaw sina Eleodoro Bermudo na nagmamaneho ng van, mga pasaherong sina Danilo Dapadap, Villamor Concepción, Jaime Bermudo, Francisco Concepcion, Sarah Joy Concepcion, batang si alias “MJ”, 2-anyos; at Sarah Concepcion na pawang residente ng Camarines Sur.
Patuloy naman nilalaptan ng lunas sa pagamutan sina Ariel Caliro, Louis Aldean, Anjo Vergara, Gilbert Bermudo, Jomar at Anjo Caliro at ang tsuper ng wing van truck (delivery truck) na si Crisanto Saculo.