Ni ESTONG REYES
TALIWAS sa paniwala ng marami, hindi pakikinabangan ng maralitang sektor ng lipunan ang buong P590 bilyon na inilaan para sa ayuda ng mga benepisyaryo sa ilalim ng iba’t ibang programa ng gobyerno.
Sa pagtataya ni Senador Alan Peter Cayetano, swerte nang pumasok sa mga maralitang benepisyaryo ang 70 porsyento ng nakalaang pondo sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program (NEP).
Aniya, lalamunin ng tinatawag na “administrative cost” ang 30 porsyento ng pondong itinutulak ng Department of Budget and Management na bumalangkas ng 2025 NEP.
Sa ginanap na briefing ng Development Budget Coordinating Council (DBCC), nanawagan si Cayetano sa pamahalaan na hanapan ng paraan paliittin ang “administrative cost” lalo pa aniya’t higit na kailangan ng mga pobreng Pilipino ang tulong ng gobyerno.
Paliwanag ng senador, binabawasan ng mga ahensya ng gobyerno ng ilang porsyento sa kabuuang halaga ng ayuda bilang administrative costs sa pamamahagi kaya nababawasan din ang bilang ng dapat bigyan ng tulong-pinansyal.
“Sa P590 billion na pondo ng ayuda ng mga ahensya ng gobyerno sa 2025 national budget, “theoretically… makapagbigay ng P20,000 sa bawat mahihirap na pamilya sa bansa,” ayon sa senador.
Pero aniya, hindi umabot sa maximum na bilang ng mga pamilya ang kabuuang halaga dahil sa gastusin sa pangangasiwa ng ayuda o administrative costs sa pamamahagi.
“As a rule of thumb, how much ang admin costs kapag dumaan pa sa government agencies? Usually mga 20 to 30%? Even sa start nung AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) nung maliit siya, sinabi na ng DSWD na parang 18 to 20% ang admin costs. Pero nung lumaki ang AICS, humingi pa sila ng additional funds,” wika niya.
Ang masaklap pa aniya, mas lalong lumiliit ang pondo para sa ayuda kapag pinapadaan sa bangko.
Tugon ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, para sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program), ang gastos ng administrasyon ay nasa 2 porsyento; sa social pension para sa mahihirap ay 1.5 percent; at 2 porsyento sa AICS.
Ngunit itinuro ni Cayetano na ang mga bilang na ito ay hindi kabilang ang mga sweldo at ilang pang gastusin sa pamamahagi ng ayuda.
“Hindi pa kasama dyan ang sweldo at MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses). Meaning if I tell the mayors, ‘Mayor, ito yung pera per family,’ walang admin costs yon kasi the families are in the gym and binibigay na nila. Sa LGU, they will not hire additional [manpower] kasi nandoon na sila. Pero yung DSWD and everything kaya lumalaki ang gastusin,” wika niya.
Upang mapakinabangan ang kabuuan ng pondo ng ayuda, hinimok ng senador ang finance managers na suriin kung anong tulong ang dapat manatiling naka-target at alin ang direktang ibibigay sa beneficiary.
“We should really look at which ayuda we should keep targeted, and which we should just directly give,” wika niya sa DBCC panel.
