HINDI alintana ng dalawang prominenteng local chief executives ang posibleng bwelta ng mga nasa “pwesto” matapos hayagang isapubliko ang suporta sa reelection bid ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na kaalyado ng kalabang mortal ng administrasyong Marcos.
Sa isang pahayag, lubos na pinasalamatan ni Dela Rosa ang gobernador ng Oriental Mindoro at ang alkalde ng Bais City sa lalawigan ng Negros Oriental.
“Thank you my good friend Oriental Mindoro Gov. Bonz Dolor for the support and prayers,” pahayag ni Dela Rosa matapos pangunahan mismo ng punong lalawigan ang pag-aalay ng panalangin para manalo ang reelectionist senator sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Bukod kay Dolor, kabilang wala rin takot na nagpahayag ng suporta si Bais City Mayor Marcel Goñi.
“Some LGU chiefs have balls and Mayor Luigi Goñi of Bais City, Negros Oriental is one of them. Thank you Mayor Luigi for your courage to rule and not to be ruled,” saad ni Dela Rosa sa kanyang Facebook post.
Pag-amin ni Dela Rosa na dating nanungkulan bilang hepe ng Philippine National Police, may ilang lokal na opisyal ang hindi lantarang makapagpahayag ng pagsuporta sa kanyang reelection bid sa takot “bweltahan” ng kasalukuyang administrasyon.
Si Dela Rosa ay kabilang sa senatorial slate ng PDP-Laban, ang political party na pinamumunuan ni former President Rodrigo Duterte.
Nanindigan ang Mindanaoan solon na patuloy niyang lalabanan ilegal na droga, kriminalidad at katiwalian kapag siya ay muling nahalal bilang senador sa nalalapit na 2025 national and local elections.
