KUNG ang pagkakalat ng mga kasinungalingan ay katumbas ng panganib ng buhay, integridad at kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan, walang dudang kailan sampolan ang mga tinatawag na fake news peddlers na ang tanging hangad ay guluhin ang lipunan.
Ito ang tugon ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V hinggil sa paghahain ng kaso sa dalawang indibidwal na nag-edit umano sa larawang kuha sa Sinulog festival sa Cebu para palabasin isang prayer rally ang naturang pagtitipon para kay former President Rodrigo Duterte.
“Meron naman po tayong mga batas tungkol diyan eh, so kung meron po talagang magkakaso or magsasampa eh they will have to suffer po ng mga consequence mga pinapalaganap nilang ganyan,” ayon kay Ortega kaugnay ng napabalitang paghahain ng kaso sa dalawang suspek.
“Sabi ko nga po hindi pu-pwedeng maging natural na lang dito sa atin ang fake news kasi buhay po minsan ang nakataya na dito eh. Lalo na po yung mga common na tao na hindi naman po kayang lumaban at saka walang means,” wika ni Ortega.
“So dapat ipakita natin na yung justice system natin gumagana sa part na yun,” aniya.
Bilang isa sa mga pangunahing miyembro ng House Tri-Committee na tumatalakay sa disinformation, sinabi ni Ortega na ipagpapatuloy ng komite ngayong Martes ang imbestigasyon kung paano kumakalat ang fake news online at kung paano nakalilikha ng akmang batas laban dito.
Sinabi rin niya na maaaring imbitahan ang ilang personalidad, kabilang ang mga celebrities na naging biktima ng fake news, upang magbahagi ng kanilang karanasan at pananaw.
“Iyong mga may experience po at saka nabiktima po ng fake news. Pero, I’m not sure kung ilan po yung nag-confirm. But again, maganda yung topics, yung mga na-open up noong huling hearing natin,” ani Ortega.
Binigyang-diin din niya na mas laganap pa ang fake news sa mga probinsya, lalo na tuwing halalan.
Nagbabala rin si Ortega tungkol sa mga mapanganib na epekto ng social media kung gagamitin sa maling paraan.
“Nakita po natin kung gaano ka-destructive at saka ka-powerful yung social media at saka yung paglaganap din po ng fake news,” giit pa ng mambabatas mula sa La Union.
Gayunpaman, iginiit ng kongresista na anumang panukalang batas ay kailangan balansehin ang regulasyon at ang proteksyon sa kalayaang garantisado ng Saligang Batas.
“Gusto po natin kung meron man tayong gagawin na batas eh, medyo sensitive po dun sa part ng freedom of speech. At siguraduhin po natin na hindi po maapektuhan yun,” pahabol ni Ortega. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
