
HINDI sapat ang hinala lang, ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V hinggil sa aniya’y kahina-hinalang pangalan ng mga sinasabing naambunan ng kontrobersyal na confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Para kay Ortega, marapat lang alamin ng Kamara kung ang mga pangalang inilistang recipient ay may rekord sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa La Union lawmaker, aabot sa mga 670 pangalan ang nakalagay sa acknowledgment receipt ng OVP at 272 mula sa Department of Education (DepEd), o kabuuang 942 indibidwal na kinumpirma ng PSA na nakalista sa database ng naturang ahensya.
Dagdag ni Ortega, mula sa 1,992 na umano’y nakatanggap ng confidential funds sa OVP, nasa 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records, at 1,593 naman ang walang death records.
Nauna rito, sinabi ni ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na may 405 sa 677 pangalan sa DepEd confidential funds list ni Duterte ang walang birth records, na malinaw aniyang indikasyon na pekeng benepisyaryo.
Giit ni Ortega, mahalagang matukoy kung totoong tao ang nakatanggap ng pera mula sa gobyerno.
Sinabi rin niyang kasalukuyan pa ring nirerepaso ang humigit-kumulang 4,000 acknowledgment receipts dahil sa dami ng pangalan.
“Well, madami po yung pangalan eh. So, parang ano nga eh, parang teleserye hind iba? Pakonti-konti, may lumalabas. So again, we have to verify. Mas maganda naman po na sigurado po tayo na itong mga pangalan na to eh meron or wala pong records,” paliwanag ng mambabatas.
Tahasang sinabi ni Ortega na tila bihasa na umano ang kampo ng pangalawang pangulo sa paghawak ng confidential funds, dahil dati na rin umano itong nakahawak ng katulad na pondo sa panahon ng panunungkulan bilang alkalde ng Davao City.
“Well, tingin ko sanay na sila. Alam nila kung paano patakbuhin yung ganitong sistema. More specifically yung sa confidential funds. Sinadya man o hindi, alam nila yung gagawin nila. Yun lang ang aking opinyon tungkol dito. May mastery na siguro,” giit pa niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)