TAYTAY, Rizal – Timbog sa isang buy-bust operation na ikinasa ng pulisya ang isang nagpakilalang human resources coordinator sa ilalim ng Office of the Mayor.
Kinilala ang suspek sa pangalang John Paul Geremillo, alyas JP, kasama ang isang Nelsen Kate Acedera ng Barangay Muzon at John Kenneth Afuang na residente ng Barangay San Juan.
Ayon sa pulisya, matagal nang sinusubaybayan ang operasyon ng naturang grupong di umano’y nasa likod ng bentahan ng droga sa Taytay.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, nadakip si Geremillo sa isang bahay sa sa kahabaan ng Franc Street sa Meralco Village – hindi kalayuan sa punong bulwagan ng Barangay San Juan sa naturang bayan.
Itinanggi ni Taytay Mayor Allan de Leon na kawani ng kanyang tanggapan si Geremillo. – bagay na pinasunungalingan ng ilang empleyadong nagsabing ang suspek ay ‘malapit’ sa alkalde at nagsilbi pa umano bilang HR coordinator ng munisipyo.
Buwan ng Hulyo ng nakaraang taon pa di umano itinalagang HR coordinator ni de Leon ang nadakip na suspek. Nakakuha rin ng sipi ang Saksi Pinas ng mga dokumentong patunay na nagtrabaho si Geremillo sa tanggapan ng alkalde.
“Kita natin na may recommending approval na kailangan mula kay JP Geremillo sa mga desisyon ng HRMO kahit may pirma na si (Lore Jean) Pitular na tumatayong hepe ng Human Resources Management Office.”
Nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) si Geremillo na di umano’y nabilhan ng droga ng mga operatiba.
