
PARA kay Senador Bong Go, maling-mali bawasan ang alokasyon para sa kalusugan ng mga mamamayan, kasabay ng giit sa kahalagahan ng malusog na lipunan sa pagsulong ng ekonomiyang nilugmok ng pandemya.
Partikular na tinukoy ni Go, na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health, ang panukalang tapyas sa aniya’y kakarampot na 2024 budget para sa Department of Health (DOH).
Sa halip na bawasan, mungkahi ng senador na dagdagan alinsunod sa pangakong reporma at kabi-kabilang programang pangkalusugan na ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang una at ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Batay sa 2024 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM), lumalabas na mas maliit ang alokasyon sa mga programang pangkalusugan – kabilang ang Health Facilities Enhancement Program pinaglaanan lang ng halagang P22.9 bilyon, malayo sa P26.8 bilyong alokasyon ngayong taon.
Gayundin aniya ang budget para sa prevention and control of infectious diseases na binigyan lang ng 2.8 bilyon para sa 2024, kumpara sa P5.8 bilyong budget ngayong taon.
Higit na kilala si Go bilang may-akda ng batas na nagbigay-daan sa pagtataguyod ng mga Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa, bukod pa sa agresibong pagsusulong ng mga programang kalusugan sa kanyang mga inihahaing panukala.
Taong 2022 nang igiit ni Go ang mas malaking budget para sa DOH sa antas na P316 bilyon mula sa P296 bilyon budget sa orihinal na bersyon ng 2023 national budget, at maging ang pagtutol sa tangkang tapyas sa alokasyon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Itinulak din ng senador ang dagdag na pondo para sa Cancer Assistance Fund na sa simula ay hindi bahagi ng proposed 2023 budget.