SA halip na makatulong, mistulang perwisyo sa hanay ng mga lokal na magsasaka ang Executive Order 39 na nagtatakda ng price cap sa bigas na binebenta sa merkado.
Sa pagtataya ni House Deputy Speaker Ralph Recto, papalo sa tumataginting na P40 bilyon ang inaasahang malulugi sa mga magsasaka sa sandaling sumipa ang implementasyon ng EO 39 ni Marcos.
Katunayan aniya, bumaba na sa P19 kada kilo ang farmgate price ng palay na dati nilang binebenta sa halagang P23 kada kilo.
Ayon sa Kinatawan sa Kamara ng ika-6 na distrito ng Batangas, ang tinawag niyang ‘expected losses’ ay base sa tinatayang nasa 10 milyong metriko toneladang palay na nakatakdang anihin ng mga magsasaka sa susunod na buwan.
Upang matugunan problemang kinakaharap ng mga rice farmer, iminungkahi ng ranking House official na bigyan ng ayuda ng pamahalaan ang hanay ng mga magsasakang Pinoy.
“How can we compensate for their losses? Maaaring kunin sa P38.56 billion na rice import tariff collections from January 1, 2022 to August 26, 2023. Sa taong ito, P80 million ang arawang koleksyon ng Bureau of Customs mula sa 35 percent import duty sa bigas,” hirit pa ni Recto.
Subalit base sa probisyong kalakip ng Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law), 50% ng nalikom na pondo ang pwedeng ilaan para sa farm equipments; 30% sa binhi, 10% bilang credit assistance at 10% para sa tinawag niyang ‘extension.’
Para kay Recto, hindi pwede gamitin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa “ala-Conditional Cash Transfer, or direct payouts to farmers.”
Gayunpaman, mahihilot naman aniya hapding iniinda ng mga magsasaka kung aamyendahan ang ilang probisyon sa ilalim ng RCEF – at ang pagtukod ng Pangulo sa hakbang ng Kongreso.
“Amyendahan ang RCEF menu (Section 13 of the RTL) upang ipahintulot ang direct cash assistance. Straight to their pockets, straight to their stomachs. Second, because Congress will adjourn on September 29, for the President to pull the trigger on Section 7 of the Rice Tariffication Law, and reduce import duty rates on rice,” paliwanag ni Recto.
Aniya pa, malinaw na nakasaad sa Section 7 ng RA 11203 na maaaring baguhin ng Punong Ehekutibo ang import duty sa bigas, gayundin ang pag-uutos na umangkat ng bigas sa limitadong panahon lamang kung ang Kongreso ay nakabakasyon.
“So, this is the urgent division of labor. Congress to amend the RTL to authorize direct cash payments to farmers, using past RCEF collections. This will benefit the rice producing poor. And for the President to TEMPORARILY reduce import duties to benefit the rice consuming poor. Not forever, but for a limited period that will not hurt any stakeholder.”