
ANG dapat sana’y sagradong paglalakbay para sa pananampalataya, nauwi sa sukdulang pagkadismaya matapos mabudol ng isang fly-by-night travel agency ang nasa 1,000 Muslim na pinangakuan makakarating sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia.
Sa interogasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakabase sa Zamboanga City, pumalo sa mahigit P65 milyon ang natangay ng hindi tinukoy na travel agency mula sa mga debotong mula pa sa mga lalawigan ng Zamboanga, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Batay sa sinumpaang salaysay, kinuhanan umano ng tig-P65,000 ang bawat biktima para sa “round trip ticket” para sa panatang nakatakda mula Mayo 31 hanggang Hunyo 1.
Kabilang ang mga biktima sa 5,000 Pinoy pilgrims na lalahok ngayong taon sa nasabing pilgrimage.
Nang puntahan ang tanggapan ng travel agency sa Zamboanga City, laking gulat ng mga deboto — sarado na ang opisina. Hindi na rin matunton o makontak man lang mga mga ka-transaksyon. (EDWIN MORENO)