ISINAILALIM na sa state of calamity ng lokal na pamahalaan ang Cebu City matapos ang malagim na pagguho ng bundok ng basura sa Binaliw Landfill na ikinasawi ng 16 katao.
Ayon sa mga awtoridad, hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang search and rescue operations upang hanapin ang mahigit 20 indibidwal na iniulat na nawawala.
Kaugnay nito, naglaan ang pamahalaang lungsod ng P30 milyon bilang pondo para sa agarang pagtugon sa krisis sa basura at kaligtasan ng mga residente.
Sinabi ni Councilor Dave Tumulak, na naghain ng resolusyon, na ang insidente ay nagdulot ng matinding problema sa waste management ng Cebu City.
Naglabas din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng cease-and-desist order sa operasyon ng landfill upang maiwasan ang karagdagang panganib.
Itinakda naman ng Sangguniang Panlungsod ang Enero 16, 2026 bilang Day of Mourning para sa mga nasawi.
Dahil dito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga mamamayan na manatiling alerto at makiisa sa mga hakbang para sa kaligtasan ng lungsod.
Inalerto na rin ang mga malapit sa lugar na maging mapagmatyag lalo’t may papalapit na namumuong sama ng panahon. (LILY REYES)
