NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) sa Cebu ang nasa 247 branded mobile phones na umano’y tinangkang ipuslit sa bansa mula sa China.
Sa pagtataya ng BOC, pumalo sa P1.679 ang kabuuang halaga ng kargamentong nasabat noong Enero 31, 2026 sa pamamagitan ng Subport of Mactan.
Idineklara ang mga pakete bilang personal effects, ngunit inirekomenda para sa physical examination matapos makita ang kahina-hinalang imahe sa x-ray scanner.
Sa inspeksyon na isinagawa kasama ang mga kinatawan ng Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service at X-ray Inspection Project, nadiskubre ang mga hindi idineklarang commercial quantity ng mobile phones na hindi tugma sa deklarasyon.
Nagpalabas si BOC-Port of Cebu District Collector Alexandra Yap-Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kontrabando dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon kay Subport of Mactan Port Collector Gerardo Campo, nabuking ang smuggling modus dahil sa mas mahigpit na koordinasyon at mga bagong inspection protocol sa pantalan.
Pinuri naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang pagsawata sa “misdeclared shipment” na bunga aniya ng masusing inspeksiyon at paggamit ng teknolohiya para sa mas matibay na border protection. (JULIET PACOT)
