SA hangarin ibsan ang dinaranas na paghihirap ng mga residente sa nasasakupan, nakatakdang magbigay ang lokal na pamahalaan ng Legazpi City, Albay ng P300 subsidiya sa kuryente para sa mga residente ng naturang lungsod.
Sa isang panayam sa programang Politiko Nightly, ibinahagi ni Legazpi City Mayor Hisham Ismail ang pinagtibay na resolusyon ng Sangguniang Lungsod na naglalayong tulungan ang mga residente sa nasasakupang lokalidad.
“Para matulungan natin ang lahat ng sektor, the city government will give subsidy of P300 sa lahat ng residential meters dito sa amin,” wika ni Ismail.
“With this, approved na ito ng Executive Sanggunian noong nakaraang linggo. At hopefully, mahabol namin ito ngayong buwan (April billing),” dugtong ng alkalde.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang lokal na pamahalaan sa Albay Electric Cooperative (ALECO) para direkta nang maibawas ang P300 sa bill ng mga konsyumer.
“Tayo ay nakiusap sa ating electric supplier, local supplier na ALECO, sa buong Albay. Directly, magre-reflect sa bill. Ibig sabihin, kung directly magre-reflect sa bill yung minus P300 na may nakasulat na LGU Legazpi,” aniya pa.
“It is the most efficient, effective, and transparent na pamamaraan ng pagbibigay ng ayuda sa ating mga mahal na residente,” ayon pa kay Ismail.
“Hindi na mabibilad sa pagkuha ng ayuda ang mga residente… the city government is trying na ma-digitalize na o mapadali ang pamamaraan ng pamimigay ng ayuda.”
Paglilinaw ni Ismail, one-time subsidy pa lamang umanu ang kaya ng pamahalaang lungsod, subalit nangako naman ang alkalde na nakahandang tumugon ang lokal na pamahalaan kung kailangan pang magpatupad ng panibagong subsidiya.
“Pero sa kaso na patuloy man ang krisis, naka-prepare naman ang city government of Legazpi na magbigay ng second wave or third wave.”
