PERSONAL na pinangasiwaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Faustino Dy III ang inagurasyon at inspeksyon sa mga pangunahing post harvest facility sa lalawigan ng Isabela.
Sa isang pahayag, umaasa si Dy na magbibigay-daan ang inisyatiba ng administrasyon sa mas pinalakas na produksyon mula sektor ng agrikultura — partikular sa hanay ng mga lokal na magsasaka.
Para kay Dy, ang mga bagong pasilidad ay patunay na may konkretong hakbang na ginagawa ang pamahalaan para mapabuti ang produksyon at kita ng mga magsasakang Pilipino.
Anang lider-kongresista mula sa Isabela, ang mga post-harvest facilities ay isa ring uri ng infrastructure investment na direktang tutugon sa katatagan ng food security at maging sa ekonomiya ng bansa.
“Hindi lang po ito pagbubukas ng mga pasilidad—ito ay pagbubukas ng oportunidad para sa mas maliwanag na kinabukasan ng ating mga magsasaka at ng buong sambayanang Pilipino,” wika ni Dy, kasabay ng pasasalamat, papuri at pagkilala pamamahala ni Pangulong nagbigay prayoridad sa sektor ng agrikultura.
“Kitang-kita natin ang malinaw na direksyon ng Pangulo—ang agrikultura ay hindi pangalawa, kundi pangunahing haligi ng ating ekonomiya,” pahayag pa ng House Speaker.
Kinilala rin ni Speaker Dy ang inisyatiba ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. at sa ahensyang nagpapatupad ng iba’t-ibang programang direktang pinakikinabangan ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga pinasinayaan ay ang Ambatali Warehouse at drying pavement na inaasahang magpapabilis sa sistema ng post-harvest handling, gayundin ang onion cold storage facility na makapag pahaba sa shelf life ng sibuyas.
“Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, mas mapapabilis ang pagdadala ng ani mula bukid patungong pamilihan, mababawasan ang pagkalugi, at mas mapapahaba ang buhay ng kanilang produkto,” anang lider ng Kamara.
Tiniyak din ng House Speaker ang patuloy na suporta ng Kamara sa mga hakbang para sa pagpapalawak ng agricultural infrastructure, mapabuti ang post-harvest systems, at pagbibigay ng pangmatagalan tulong sa farming communities.
“Kapag inangat natin ang buhay ng magsasaka, inaangat natin ang buong bansa. At iyan ang patuloy nating ipaglalaban sa Kapulungan.”
“Hindi ito ang huling hakbang—ito ang simula ng mas matibay na paninindigan na ang pamahalaan ay katuwang ng magsasakang Pilipino, ngayon at sa hinaharap.”
