PUMALO na sa 40 kumpirmadong nasawi sa paglubog ng MV Trisha Kerstin kamakailan matapos marekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlo pang bangkay sa karagatang sakop ng lalawigan ng Basilan.
Batay sa ulat ng PCG, natagpuan ang hindi pa natukoy na mga biktima sa pinagsanib na search and rescue operation ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, katuwang ang mga lokal na mangingisda.
Sa impormasyong ibinahagi ng bantay-dagat, natagpuan ang dalawang biktima ng trahedya malapit sa Baluk-Baluk Island, habang ang isa pa ang nakuha sa gawing Lantawan Island.
Nakatakdang dalhin ang mga narekober na bangkay sa Zamboanga City para sumailalim sa pagsusuri upang matukoy ang pagkakakilanlan at mai-turnover sa pamilya. (JULIET PACOT)
