INIHAING petisyon laban sa mga di umano’y pagpapatala ng mga tinaguriang flying voters ang sinisilip na motibo sa likod ng pamamaslang sa bayan ng Pualas sa lalawigan ng Lanao del Sur.
Ayon sa pamilya ni Zainodin Sarip Guro, walang ibang posibleng dahilan sa pagpatay sa kanilang kaanak kundi ang paglagda sa petisyon inihain sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pagpasok di umano ng flying voters sa Barangay Tumarumpong sa nasabing bayan.
Batay sa medico legal, tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ng biktima.
Sa imbestigasyon ng Lanao del Sur Police, patungo ang biktima sa simbahan nang tambangan ng riding in tandem.
Sa pahayag ng pamilya ni Guro, walang kaaway ang biktima. Gayunpaman, aminado ang mga kaanak ng biktima na usap-usapan na sa barangay ang pagkadismaya ng ilang politiko dahil sa petisyong inihain sa Comelec.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng lokal na pulisya sa hangaring matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin. (Edwin Moreno)
