
SA likod ng rehas magdiriwang ng bagong taon ang isang pulis matapos dakpin ng mga kabaro bunsod ng pamamaril sa loob ng bus sa bayan ng Makilala sa lalawigan ng Cotabato.
Sa ulat ng Cotabato provincial police office, arestado ang isang Corporal Alfred Dawatan Sabas na nakadestino sa Police Station 7 sa General Santos City.
Ayon kay Police Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, naganap ang madugong insidente sa hangganan ng Barangay Batasan sa Makilala, Cotabato at sa Barangay New Opon sa Magsaysay, Davao del Sur.
Sakay ng isang bus ang noon ay langong pulis na si Sabas, kasama ang live-in partner na si Phoenix Marie delos Santos. Kwento ng mga saksi, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Sabas sa delos Santos hanggang sa bumunot ng baril ang suspek na agad pinutok sa kapwa pasahero.
Ilang sandali pa, nakitang patay ang isang Reynaldo Bigno nang tamaan ng bala.
Bukod kay Bigno, sugatan rin sina Cpl. Kent Maurith Pamaos at Patrolman Russel Love Tapia ng 11th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-11, sa akmang pag-aresto sa kabaro.
Matapos barilin ang dalawang rumespondeng kabaro, mabilis na tumakas ang suspek. Gayunpaman, agad rin nadakma si Salas sa hot pursuit operation. Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang service firearm na ginamit sa krimen.
Ayon sa mga kamag-anak ng suspek at mga kapwa pulis sa General Santos City Police Office, matagal nang minamatyagan si Sabas sa paggamit ng ilegal na droga, gayundin ang live-in partner na di umano’y may rekord na pagbebenta ng shabu sa Kidapawan City. (Edwin Moreno)