Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TALIWAS sa patutsada hinggil sa di umano’y sa pag-etsa pwera ng administrasyon sa katimugan ng bansa, hindi bababa sa 9,000 mga estudyante, maliliit na negosyante ang hanay ng mga mamamayang pasok sa kategorya ng “vulnerable sector” na inayudahan sa bisa ng mga programa ng pamahalaan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang bigas, financial at livelihood assistance sa mismong balwarte ni Vice President Sara Duterte – ang Davao City.
Sa magkakahiwalay na lugar sa naturang lungsod, personal na pinangasiwaan ni Romualdez ang pamamahagi ng tulong sa bisa ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, Integrated Scholarships, and Incentives for the Youth (ISIP) Program, at ang Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) Program.
Sa programang CARD, nasa 3,000 na pobreng senior citizens, persons with disability (PWD), solo parents, mga katutubo at iba pang indibidwal ang tumanggap ng tig-20 kilo ng premium Pinoy rice – bukod pa sa P5,000 cash assistance sa ilalim ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa programang ginanap sa El Pueblo Countryside Road, Davao City.
Paliwanag ni Romualdez, ang programang CARD ang tugon ng pamahalaan sa mataas na bentahan ng bigas sa naturang lungsod.
Nasa 3,000 student-beneficiaries naman ang tumanggap ng tig-P5,000 tulong pinansyal sa pamamagitan ng AKAP at 5 kilo ng bigas sa ilalim ng ISIP Program sa distribution ceremony na idinaos University of Southeastern Philippines campus.
“This is to assist deserving students facing financial challenges in pursuing quality education. It targets tertiary and vocational education students,” paliwanag pa ng lider ng Kamara.
Bukod sa cash aid, meron din ibang student beneficiaries na saklaw ng Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education (CHED) ang binigyan ng scholarship assistance P15,000 kada taon at pagkakaroon ng priority slots sa Government Internship Program (GIP).
“Their unemployed parents or guardians may also be enrolled in the DOLE-TUPAD Program,” dugtong ng lider ng Kamara.
Sa ilalim ng SIBOL program, umabot sa 3,000 maliliit na negosyante pinagkalooban ng tig- P5,000 in livelihood aid sa ilalim ng AKAP, kasama na ang tig-5 kilo ng bigas sa simpleng seremonya na isinagawa sa Ayala Azuela Cove sa Lanang, Davao City.
“We believe that these financial assistance programs are an investment. Kapag umunlad ang mga tinutulungan natin mula sa mga sektor na ito, mag-aambag na sila para sa pag-unlad ng bayan. Kaya lubos ang aking suporta sa pagpapatuloy ng CARD, ISIP at SIBOL program,” aniya pa.
Garantiya ni Romualdez, magpapatuloy ang mga naturang programa lalo pa’t marami ang direktang natutulungan.
“Kaya naman sa tuwing may BPSF tayo sa isang lugar o lalawigan, sinisikap natin na mayroon ding CARD, ISIP at SIBOL para sa mga sektor ng lipunan na kailangan din ng ayuda,” ayon pa sa namumuno sa 300-plus-strong House of Representatives.
