Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA kauna-unahang pagkakataon, bumida sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ang ‘Zero Billing’ kung saan nasa P50-milyong halaga ng hospital bills ng mga maralitang pasyente sa Davao City ang sinagot ng pamahalaan.
Kasabay ng nasabing bagong programa ng serbisyo caravan, hinandugan din P10,000 cash assistance ang mga tinaguriang “poorest of the poor” na residente ng lungsod.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, ang dalawang bagong programa na unang inilunsad sa Davao City ay naglalayong mabigyan ng tulong medikal ang mga nangangailangan ng serbisyo sa pampublikong pagamutan, bukod sa sa cash assistance
Kasabay nito, bumisita si Speaker Romualdez sa Southern Philippines Medical Center (SPMC), na nasa Davao City para pulungin ang hospital officials, staff, at maging ang mga pasyente.
Nasa P50 milyon mula sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) Program ng Department of Health (DOH) ang nai-download sa SPMC para sa zero billing ng lahat ng maralitang pasyenteng mula ngayong araw hanggang bukas, Setyembre 6.
“Isinama ko ang mga kongresista ng 19th Congress para makita ng buong Davao City na mahal na mahal po natin ang Davaoeños. Dahil dito, kami po sa House ay dina-download natin ang P50 million na MAIP funds para sa SPMC upang lahat ng gastusin ng mga pasyente na na-confine dito as of September 5 and 6, 2024 ay wala nang babayaran. Zero billing for all patients,” wika ni Romualdez.
“At lahat po kayo (pasyente) ay makakatanggap din ng 10 kilo ng bigas, ayan po iuuwi ninyo lahat yan,” dagdag niya.
Samantala, namahagi rin ng food vouchers ang lider ng Kamara sa mga kawani ng ospital at mga pasyente sa naturang pagamutan bilang maagang pamasko sa mga Davaoeño.
Nasa 6,000 SPMC employees ay nakatakda rin bigyan ng tig-P10,000 Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ito po ang layunin ng ating mahal na presidente at ito kasama natin ang aking kaibigan na si Sec. Leo Magno ng Mindanao Development Authority at syempre naman lahat po ng nandidito ngayon ay masaya. At iyon po talaga ang utos ng ating presidente. Mahal po namin kayong lahat. Mabuhay ang Davao City, ang mga Davaoeño at mabuhay ang sambayanang Pilipinas. Daghang salamat,” saad ng lider-kongresista.
Binisita rin ni ang Pediatric Cancer Ward in SPMC kung saan namahagi ng laruan at kiddie meal sa mga batang may karamdaman.
Samantala, pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang pagpapatupad ng “Tulong Para sa Dabawenyo” kung saan biniyayaan ang mga maralitang residente sa programang idinaos sa University of Southeastern Philippines compound.
Nasa 250 indibidwal ang tinukoy na benepisyaryo kabilang ang “homeless people, mendicants, and indigents” na tumanggap ng tig-P10,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program sa pamamagitan ng DSWD bukod pa sa 20 kilo ng bigas.
“Pinapalawak natin ang serbisyong hatid ng pamahalaan para sa programa ng ating Pangulo na Bagong Pilipinas, kung saan lahat ng mamamayan ay aabutin ng serbisyo publiko, walang maiiwan,” mariing sabi pa ni Speaker Romualdez.
