TULUYAN nang sinibak ng Korte Suprema ang isang regional trial court judge na pinaniniwalaang dawit sa pagpaslang sa kapwa hukom noong taong 2019.
Sa direktiba ng Korte Suprema, tinanggalan na rin ng lisensya ni Zamboanga del Norte RTC Branch 28 Judge Oscar Tomarong bilang abogado. Kalakip din ng kautusan ang kanselasyon ng retirement benefits at perpetual disqualification sa anumang pwesto sa gobyerno.
Nag-ugat ang kaso sa pagpatay kay Zamboanga del Norte RTC Branch 11 Presiding Judge Reymar Lacaya habang naglalakad patungo sa parking area para kunin ang kanyang sasakyan.
Pag-amin ng isang Juliber Cabating na nagsisilbing alalay ni Tomarong, siya mismo umano ang inutusan ng kanyang amo na maghanap ng hitman na magtutumba kay Lacaya.
Katunayan aniya, siya rin ang inutusan magbayad ng P250,000 sa hitman matapos ang “trabaho.”
Kasalukuyan pang nakabinbin ang kasong kriminal (murder) na isinampa laban kay Tomarong. (JULIET PACOT)
