PIHADONG malaking pera ang kakailanganin ni Health Secretary Ted Herbosa para pambayad sa mga abogadong hahawak ng mahabang talaan ng mga kasong inihain sa Office of the Ombudsman.
Ang pinakahuli — isang graft case kaugnay ng P98-milyong pondong ginastos ng kagawaran para sa isang programa sa radyo.
Bukod kay Herbosa, kabilang rin sa mga inasunto sina OIC Assistant Secretary Dr. Albert Domingo at Health Promotion Bureau Director Ma. Kristina Marasigan.
Giit ng Concerned DOH Personnel, Alliance For Clean And Transparent Government at Health Workers for Change Movement, taliwas sa interes at mandato ni Herbosa ang paggastos ng P98 milyon para sa programang “PINASigla” na umeere sa media outlet ng Philippine Collective Media Corporation (PCMC).
Hirit ng mga nabanggit na grupo sa Ombudsman, sampahan ng kaso sina Herbosa, Domingo at Marasigan dahil sa mga paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Isinusulong rin ang agarang pagsibak sa pwesto laban sa tatlong opisyales ng naturang departamento bunsod ng Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
“Manifest partiality and evident bad faith are shown by the deliberate violation of the Constitution, Procurement Laws and Civil Service Laws; Undue injury to the government through self serving expenditure and unwarranted benefits were given to PCMC, and indirectly to MSPC as its subcontractor,” saad sa isang bahagi ng reklamong isinumite sa Office of the Ombudsman.
Anila, ginamit ng tatlong opisyal ang posisyon at pera ng pamahalaan para pondohan ang programang nagsusulong ng pansariling kapakinabangan — sa halip na pampublikong kalusugan.
