MATAPOS magtrending sa Facebook ang isang post sa Facebook Marketplace, agad na tinunton ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine National Police (PNP) ang online seller na nagbebenta di umano ng isang bagong silang na sanggol.
Sa isang entrapment operation sa Dasmariñas, Cavite, timbog ang dalawa katao – kabilang ang ina ng sanggol na inilalarga sa halagang P90,000.
“They were arrested, detained in Camp Crame, and they’re done with the inquest proceedings,” wika ni Col. Renato Mercado ng PNP Women and Children Protection Center.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagkadismaya si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa aniya’y bentahan ng mga sanggol na ikinukubli sa likod ng katagang “adoption.”
Pag-amin ng Kalihim, binabantayan na ng kagawaran ang bentahan ng sanggol sa 40 social media pages bago pa man naaresto ang dalawang suspek sa Cavite.
Kabilang rin umano sa kanilang tinutukan ang mga naghahanap ng aampunin gamit ang social media.
Paalala ni Gatchalian, may tamang proseso sa mga nais mag-ampon kasabay ng babalang krimen ang magbenta o magpa-ampon ng bata sa labas ng panuntunan ng National Authority for Child Care.
“Worrisome sya kasi lumalaganap, it’s a cruel form of child exploitation. Hindi rason ang kahirapan na ibenta nyo ang inyong mga anak, common sense at basic moral yun,” ani Gatchalian.
“DSWD will prosecute to the fullest extent of the law those found to be engaging in unsanctioned adoptions over social media platforms,” pagtatapos ng DSWD chief.
