Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TUMATAGINTING na P3-bilyong halaga ng tulong pinansyal ang nakatakdang ipamudmod sa isang milyong benepisyaryo sa unang araw pa lang ng paglulunsad ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Karangalan ko po ang ihatid sa inyo ngayong araw ang pinakabagong programa ng ating pamahalaan – ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program, o AKAP,” pambungad na mensahe ni House Speaker Martin Romualdez Romualdez sa mga benepisyaryo sa sabayang pamamahagi ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., binuo natin ang programang ito para tulungan ang ating mga kababayang mahihirap na apektado ng pagtaas ng mga presyo o inflation,” dugtong ni Romualdez na isa sa mga nasa likod ng naturang programa – katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang punong-abala.
Gamit ang P26.7 bilyong inilaan ng Kongreso sa bisa ng 2024 General Appropriations Act, target ng programa ang mga sektor na pasok sa kategorya ng “poor, near-poor, minimum wage earners, low-income earners” at maging yaong nakakaranas ng “financial distress.”
“Ang AKAP ay para sa lahat pamilyang Pilipino na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa. Layunin nito na matulungan silang makaraos sa araw-araw, lalo na sa pagbili ng pagkain at at sa iba pang mahalagang gastusin,” paliwanag pa ni Romualdez.
“Ano po ba ang mga tulong na maaaring matanggap sa ilalim ng AKAP? Una, nagbibigay ang programang ito nang diretsong tulong pinansyal para sa pagkain at iba pang pangangailangan para sa nutrisyon,” dagdag niya.
“Pangalawa, may tulong pinansyal din tayo para sa mga gastusin sa ospital, gamot, at iba pang pangangailangang medikal. Pangatlo, may ayuda rin para sa mga gastusin sa pagpapalibing ayon sa kaugalian ng bawat pamilya o komunidad,” paglalahad pa ng Leyte lawmaker.
Sa ilalim ng AKAP, isinusulong ang “Isang Araw, Isang Milyon, Isang Bayan,” para sa 334 lugar kung saan 3,000 benepisyaryo ang tatanggap ng ayuda.
“Sa pamamagitan ng AKAP, masisiguro natin na kahit sa panahon ng krisis, walang Pilipinong maiiwan. Ito ang misyon na ibinigay sa atin ng Pangulong Marcos, Jr., ang tiyakin na bawat Pilipino ay may maaasahan kakampi na handang umalalay sa panahon ng pangangailangan… Sa anumang panahon… Saan mang sulok ng bansa.”
