HINDI na umaasa ang Palasyo na masusungkit pa ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang 12-0 sweep sa nalalapit na senatorial race.
Taliwas sa mga nakalipas na paglibot ng mga pambato ng administrasyon, hindi na binanggit ni Marcos sa pagbisita ng mga administration bets sa lungsod ng Trece Martires sa Cavite ang pangalan ng nakatatandang kapatid na si reelectionist Senator Imee Marcos.
Nasa 2.4 milyon ang kabuuang bilang ng mga botante sa Cavte.
Gayunpaman, hindi lang si Senador Imee Marcos ang etsa-pwera sa talaan ng mga senatorial bets na inindorso ng Pangulo.
Hindi man hayagan, laglag din sa talaan ni Marcos si Las Pinas Rep, Camille Villar, anak ni Senador Cynthia Villar na una nang pumanig kay former President Rodrigo Duterte.
Kapansin-pansin rin ang hindi pagdalo ng batang Villar sa naturang pagtitipon ng mga pambato ng administrasyon.
Sa pahayag, sinabi ni Imee na kanyang tinutukan ngayon ang pag-iimbestiga sa sinasabing illegal na pag-aresto kay Duterte na nakapiit na sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
“Ok lang, tutal sinabi ko na na ang aking tututukan ay ang pagsisiyasat ng mga pangyayaring labag sa batas noong kinuha si FPRRD (Duterte),” wika ni Senador Imee sa isang panayam.
Hindi rin sinipot ni Senador Imee ang campaign sortie ng administrasyon sa Tacloban City, Leyte.
Katwiran ni Imee sa pang-iisnab sa Tacloban sortie, hindi katanggap-tanggap ang ginawang “pagsusuko” sa ICC ng administrasyon ng kapatid na pangulo. Gayunpaman, ikinampanya pa rin ni Marcos ang nakatatandang kapatid. (ESTONG REYES)
