DAHIL na rin sa malawakang pagbaha bunsod ng walang humpay na buhos ng ulan sa mga nakalipas na araw, posibleng pumalo ang kaso ng leptospirosis sa bansa, ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa.
Sa pagtataya ng Department of Health (DOH), posibleng sumipa ang bilang ng mga pasyenteng positibo sa leptospirosis isa o dalawang linggo matapos ang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gayunpaman, tiniyak ni Herbosa na handa ang DOH sakaling dumami ang bilang ng kumpirmadong kaso ng karamdaman dulot maruming tubig-baha.
Katunayan aniya, meron nang nakaimbak na gamot kontra leptospirosis ang ahensya, gayundin ang serbisyong medikal sa mga pampublikong pagamutan at maging sa mga barangay health centers.
Samantala, nagsimula nang dumugin ng mga pasyente ang iba’t ibang ospital sa lungsod ng Maynila. Ayon sa impormasyong ibinahagi ng isang impormante sa Manila City Hall, karamihan sa mga pasyente ay may sintomas ng leptospirosis.
Subalit nahihirapan na umano ang mga nangangasiwa ng mga pampublikong ospital sa Maynila dahil sa kakulangan sa doxycycline na lunas sa naturang sakit.
